Isa ito sa mga pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Karaniwang nakabarong tagalog, may suot na salakot at nakatsinelas. Tipikal na suot ng mga Pilipino noong mga unang panahon.
Ayon sa kasaysayan, si Robert McCulloch Dick, isang Scottish na nagtrabaho sa Manila Times noong 1900s, ang unang gumamit ng palayaw na ito sa mga Pilipino nang kanyang mapansing ito ang pinakagagamiting pangalang makikita sa mga tala noong panahon ng Kastila. Ilan sa mga kilalang tao na gumagamit ng pangalang Juan ay sina Juan Luna at si Juan Crisostomo Ibarra sa nobela ni Jose Rizal. Marahil ay sa bibliya nakuha ng mga mamamayan noong panahon ng Kastila ang pangalang ito dahil kung matatandaan ay dinala sa Pilipinas ng mga Kastila ang Kristyanismo at isa si Juan sa mga disipulo ni Kristo na nasa bibliya.
Nakakabilib. Hindi ko akalaing ganito ang naging impluwensiya ng mga simpleng pangalan upang maging dahilan ng pagkakaroon ng palayaw para sa mga Pilipino. At hindi ko rin akalain na totoo pala si Juan dela Cruz.
Nang nagtitingin ako sa isang lumang yearbook, nakita ko ang isang pamilyar na pangalan. Siya nga. Si Juan dela Cruz. Bachelor of Science in Architecture. Nag-iisa. Ngayon napatunayan ko, totoo talaga siya. Hindi lang siya basta-basta guni-guni ng mga tao.
Ngunit napaisip ako, paanong nangyaring isa lang siya sa kursong ito. Naitanong ko pa nga sa pinsan ko na baka naman nagbibiro lang ang yearbook. Natawa siya at nasambit na, "Bakit naman magbibiro?" Natawa rin ako at napatahimik na lamang.
Iniisip ko lang, wala siyang kaklase, wala siyang kaibigan, paano siyang nakapag-aral ng mag-isa lamang, nang walang katuwang sa mga gawaing akademiko kundi ang mga guro lamang. Hindi ba nakakatamad yun, ikaw lang at ang mga libro, ikaw lang at ang guro, ikaw lang at ang silid na puno ng upuan. Walang kausap. Magsasalita lamang kapag tinatanong.
Ngayo'y iniisip ko, ano na kaya ang naging buhay niya pagkatapos ng mahigit dalawang dekada? May mga kaibigan na kaya siya? Mga kasama sa buhay? Sana'y may karamay na nang hindi na tulad ng dati.